Thursday, April 07, 2011

Si Ultraman, Ang Tsunami at ang RH Bill


Kanina lamang ay ti-nag ako ng isang kaibigan sa Facebook ng isang larawan na mabilisang nakakuha ng aking atensyon. Ito ay may koneksyon sa kakatapos pa lamang na trahedya sa Japan, ang delubyong hatid ng tsunami.

Hindi na bago sa Japan ang mga trahedyang dulot ng mga natural na elemento at kalikasan kagaya na lamang ng mga lindol. Sapagkat ang kanilang bansa ay laiang daanan ng mga lindol kasama na rin ang bagyo at tsunami. Kaya naman na ang kanilang mga gusali ay gawa sa metal na hindi agad-agarang masisira kapag lumindol. Ngunit hindi ito ang nangyari kamakailan sa tsunami. 
Ang pagkawasak ng Japan dulot ng Tsunami

Natawa akong bigla ng makita ko ang larawan ni Ultraman (isang kathang isip na dambuhalang tagapagtanggol mula sa Japan) na akmang sasagupain ang paparating na malaking alon. Siya ang naitakdang tagapagtanggol laban sa mga dambuhalang halimaw na gustong manakop sa daigdig. 

Si Ultraman ay isang taga ibang planeta at nanunuluyan sa isang tao at nagpapalit anyo upang maging isang higanteng tagapagtanggol. Nanganga-ilangan siya ng katawang tao upang manatiling nagbabantay sa daigdig at sa panahong nagiging higante siya at nasa tunay na kaanyuan, tatlong minuto o mahigit lamang ang kanyang inilalagi sapagkat manghihina na siya.

Si Ultraman kaya ang makakaligtas sa atin sa panahon ng mga delubyo? Sumagot naman ang isang kaibigan namin at nagsabi na "hindi noh dahil nahilo s'ya sa lindol sa Japan...".

Tulad din sa bansa natin, tayo din ay nasa panahon ng delubyo at tsunami - ngunit hindi ng pwersa ng kalikasan kundi mga pwersang namu-mwersa ng ibang tao upang sundin ang opinyon nila. Marami tayong mga halimaw na sinasagupa at mga winawasak na taliwas at baluktot na pag-iisip at pangangatwiran. Ito ang tsunaming dulot ng patuloy na pagbabaluktot ng mga katotohanan patungkol sa Reproductive Health Bill.


Ang delubyong ito ay patuloy na winawasak ang katotohanang makakatulong ang RH Bill sa maraming pangangailangan ng ordinaryong pamilyang Pilipino sa paghahanda ng isang malusog at masayang pamilya. Patuloy na dumarami ang mga halimaw na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga tunay na dinaranas ng mga kababaihan, kabataan at mga ordinaryong mamayan sapagkat mas ninais nilang sila lamang ang tama at banal.

Gayun pa man, tulad ni Ultraman at ang mga Ultra-Crusaders (na mga ilan pang lahi at tulad ni Ultraman) dumarami din ang mga taong nagbubukas ng kanilang isipan at lubos na inuunawa na ang RH Bill ay hindi isang panukalang batas ng moralidad kundi isang panukalang batas na batay sa karapatang pantao, kalusugan, edukasyon, impormasyon at pagiging responsableng indibidwal at magulang. Dumarami na rin ang nakiki-anib bilang mga makabagong Ultra-Crusaders at handang sumagupa sa delubyo, tsunami at bagyong dulot ng mga halimaw na waring nagmamalinis. 

Ngunit si Ultraman ay hangang mga tatlong minuto lamang sa mundo sa bawat laban, pagkatapos noon ay manghihina na siya. Kagaya ng RH Bill, matagal na ang nilagi at nakabinbin sa Kongreso sa loob ng mahigit labing-anim (16) na taon. Biruin mo yon? Kung ang RH Bill ay si Ultraman baka kalansay na sya ngayon!


Panahon na upang tulungan natin si Ultraman na matalo na ang mga halimaw na nagdudulot ng tsunami. Ang mga halimaw na pilit sakupin ang mga tao sa pamamagitan ng pagturok nila ng baluktot na paniniwala. Paigtingin pa natin ang ating mga hanay at pwersa laban sa kamangmangan at idyotismo.  

Kung gusto mo pang mabuhay ng malaya, lumaban at samahan si Ultraman! Apir!

1 comment:

  1. ...ang dapat ay maglaban sina ULTRAMAN at ang mga miyembro ng CBCP...!!!!

    ReplyDelete