Monday, June 20, 2011

Sandiwa sa Kalayaang Ganap

SANDIWA SA KALAYAANG GANAP

Nagdaan na ang ika-113 na Araw ng Kalayaan, ngunit nakamit na ba talaga natin ang tunay na kalayaan? Bawat taong lumilipas pinagdiriwang ang araw na magiting tayong lumaban sa mga mananakop - yaong nabawi natin ang dangal ng bayan at ibinigay sa taumbayan ang kapangyarihang mamuno ng may dangal. Ngayong nagdaan na naman ang "Araw ng Kalayaan" masasabi na nga ba nating tayo ay nakalaya na sa pagka gapos ng mga mananakop?


Noon tayo ay nasakop ng mga dayuhan at ang ating mga ninuno ay magiting na nilabanan ang pananakop. Nakamit natin ang inaasam na kalayaan laban sa mga bansang nanakop tulad ng Espanya, Amerika at bansang Hapon. Ngayong ilang daang taong nakalipas, talaga nga bang nakalaya na tayo sa pagkakagapos?


Sa tingin ko ay hindi pa ganap ang ating kalayaan. Sapagkat ang ating pagkakagapos ngayon ay hindi na sa mga dayuhang mananakop kundi sa ating sariling mga kababayan. Ang pagkakagapos ng ating mga kababayan ay nakatali hindi sa tao kundi sa ating kultura at pamumuhay.


Ang Pagkakagapos sa Kahirapan 



Isa sa mga gumagapos sa ating mga kababayan ay ang lubos na kahirapan. Lubha na atang talamak ang kahirapan sa ating bayan at pinapalala pa ito ng isa pang napaka talamak na isyu ng korapsyon. 15.5% ng mga Pilipino ang nabubuhay na nasa mahigit kumulang na 40 piso kada araw. Ang bawat mahihirap na pamilyang Pilipino ay may mahigit 3 anak. Ang mga magulang naman nila ay walang trabahong maayos kaya hirap din silang pakainin, paaralin at palakihin ng maayos ang kanilang mga supling. Ang mga kababayan natin ay mas lalo pang nahihirapan sapagkat may mga serbisyo na makakatulong sa pagpaplano ng kanilang pamilya ang hindi tinututulan ng ilang mga nasa kapangyarihan. 


Ang badyet para sa kalusugan para sa bawat mamayan ay bumagsak sa halagang nasa 80 sentimo o 1 piso. Paano na lang nila maatim ang isang maginhawang kalusugan sa ganitong kalagayan? Marami pa sa kanila ang nasa mababang pasahod at kulang na kulang pa sa benepisyo. Naiisip kong paano nga naman sila makakapag-ipon para sila ay makaahon? Kung ganito lagi ang mangyayari, siguro ngang ang mga mahihirap ay ipinanganak at mamatay na mahirap. 


Ang Pagkakagapos sa Korapsyon


Ang kaakibat ng kahirapan sa bansa ay makikita sa napaka talamak na korapsyon sa sistema ng pamumuno ng ating gobyerno. Kasama na rin dito ang talamak na korapsyon hindi lamang sa mga matataas na posisyon kundi sa lahat ng sistema ng gobyerno. Dahil sa napakaloob ito sa kasulok-sulokan ng sistema ng gobyerno ng ating bansa, ito'y naging parang normal at katanggap-tanggap sa maraming mga kababayan at naging lumpong saksi sa mga pangungupit, pagnanakaw at paglilinlang ng mga iilang nasa kapangyarihan. 


Ang korapsyon na tinutukoy ko ay hindi lamang sa kaban ng bayan o sa pera - ito'y nalalanaytay din sa hindi pagtatrabaho ng maayos at nasa oras, pangungupit sa mga opisyal na gamit o pasilidad, at ang pagngungunsinti sa mali o pagsang-ayon sapagkat kakilala, kaibigan o kamag-anak. Minsan para sa akin, mas malala pa itong mga klase ng korapsyon sapagkat kung kaya mong gawin ang maliit na bagay na ito, mas kakayanin mong magawa ang mas malala.


Ang Pagkakagapos sa Kamangmangan


Bagama't sinabi ng National Statistics Office (NSO) na 80% ng mga Pilipino ang may Simple Literacy Rate ng 93.4% at Functional Literacy Rate o yaong 8 sa 10 Pinoy ang marunong magbasa at umintindi, tila bagang hindi pa rin ito masyadong nakikita sa ating lipunan sapagkat marami pa rin sa ating mga kababayan ang marunong umintindi ngunit walang critical thinking o yung marunong magbasa, umunawa at mag-analisa upang makapagbigay ng isang malinaw at siguradong desisyon. 


Sa mga importanteng isyu na tinatalakay ng ating bansa ngayon tulad na lang ng mga kontrobersyal na RH at Divorce Bills, nakakalungkot isipin na marami pa rin sa ating mga kapatid ang hindi muna iniintindi ang mga probisyon at nakalagay sa saligang batas bago sila gumawa ng paghuhusga o desisyon. Marami pa rin ang madaling nadadala sa mga impormasyong hindi naman sigurado at yaong galing sa mga taong kunwari'y may mas alam pa sa kaysa yaong dapat talaga nating pakinggan sapagkat sila mismo ang nakakaranas nito. 


Pagsibol ng Isang Diwa


Bagaman sa mga aspetong nasabi ko ay pawang nakagapos pa rin ang Pilipinas at hindi ganap na malaya, hindi ko naman ipagkakaila na mayroon pa ring mga kababayan natin na handang gawin ang lahat makamtan lang natin ang inaasam-asam na kalayaan sa kahirapan, korapsyon at kamang-mangan. Marami pa ring tulad ko, na hindi lamang umaasa kundi buong tyagang kumikilos upang makamtan ang noo'y ipinaglaban ng ating mga ninuno laban sa mga mananakop at dayuhan.


Ngunit sa mga damdaming sabik sa paglaya nararapat na magkaroon ng iisang diwa at layunin upang mapaigting pa natin ang ating puwersa at hanay sa isang mas mabagsik na kalaban. Ang isang diwa na ito ay nag-uugat mula sa kaibuturan ng mga adhikain ng mga progresibong mamamayan ng Pilipinas na walang tanging hangad kundi ang tanging ligayang makikita sa tunay na paglaya ng ating bansa.


Sa iisang diwa, napapag-isantabi natin ang ating mga personal na alitan, pagkakaiba at pagkaka hindi sang-ayunan upang maisulong ang isang mas malawak at dakilang adhika na para sa bayan - para sa Pilipinas. Sa iisang diwa, napapabigkis natin ang ating mga pag-iisip at damdamin at nakatutok lamang sa ating mga kalaban - kahirapan, korapsyon at kamang-mangan. At sa iisang diwa lalaban natin ang tatlong "K" na ito ng ating natatanging sandata: kasipagan, katapatan at karunungan. 


Ang pagkamit sa kalayaan ganap ay malayo-layo pa ang tatahakin, ngunit nagsimula na tayong maglakad patugo roon. Hindi na dapat tayo tumigil. Ang bukangliwayway ay paparating na.


Kuya A

No comments:

Post a Comment